Special cell kina JPE, Jinggoy, Bong redi na
MANILA, Philippines - Pagpapaliwanagin ng Malacañang ang liderato ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa paghahanda nito ng special cell sa PNP Custodial Center para sa 3 senador na kinasuhan ng plunder sa Ombudsman kaugnay ng P10 bilyong pork barrel scam.
Sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr. sa media briefing kahapon, walang ideya ang Palasyo sa nasabing paghahanda ng PNP ng special cell para kina SeÂnators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
“Kailangang alamin natin kung ano ang background at beripikahin natin kung ano ang dahilan diyan sa sinasabi mong ginawang paghahanda,†sabi ni Coloma.
Ayon kay PNP-Public Information Office Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, ang nasabing special detention cell ay hinahanda lamang sakaling magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa tatlong senador.
Sinabi ni Sindac na bagaman ayaw nilang pangunahan ang pasya ng Sandiganbayan ay nakahanda naman aniya sa lahat ng oras ang PNP Custodial Center sakaling i-commit ng korte na sa Camp Crame pansamantalang ikulong ang mga akusado.
Wika pa ni Sindac, sa ngayon puno ang PNP Custodial Center ng mga bilanggo at kailangan nilang magdagdag pa ng selda para ma-accomodate ang mga bagong bilanggo.
Siniguro rin ng pulisya na walang special treatment kundi fair treatment ang kanilang ibibigay para sa tatlong senador sakaling ilabas ang warrant at arestuhin ang mga ito.
Nasa 80 detainees anya ang maaring i-accommodate sa nasabing jail facility sa Camp Crame kung saan sa kasalukuyan ay mayroong 70 na nakakulong dito.
Kabilang sa mga nakakulong ngayon sa PNP custodial center si dating PNP Chief Avelino Razon at iba pang heneral, mga pulis na sangkot sa Atimonan rubout incident at ang mag-asawang NPA na sina Benito at Wilma Tiamzon.
Ang nasabing special detention cell ay hiwalay sa mismong selda ng PNP Custodial Center. (May ulat ni Joy Cantos)
- Latest