Paggamit ng student trainees ng manning agencies pinasisilip
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Davao City Congressman Karlo Alexei Nograles sa Kongreso na imbestigahan ang mga gawain ng mga manpower agencies sa Pilipinas.
Sinabi ni Nograles na, bukod sa paglabag sa batas sa paggawa ng Pilipinas, ginagamit din umano ng naturang mga ahensiya ang mga student trainee para mapunuan ang pangangailangan nila sa mga tauhan.
Bukod dito, ayon kay Nograles, sinisingil ng mga manning agencies na ito ang mga student trainee ng mula P7,000 hanggang P15,000 para sa on the job training.
Ipinahiwatig ng kongresista na napakalakas pagkakitaan ang negosyo ng manpower manning agencies dahil ang mga malalaking kumpanya at kahit mga tanggapan ng gobyerno ay kumukuha na lang ng serbisyo ng mga manpower agencies para sa pagkuha ng kailangan nilang mga manggagawa o empleyado. Nakakaiwas kasi sila rito sa pagsunod sa labor laws.
Sinabi pa ni Nograles na, bagaman hindi siya kontra sa paggamit ng mga manpower agencies, ang ipinapadalang mga manggagawa ay dapat mapangalagaan ng umiiral na mga batas sa paggawa kabilang ang karapatan sa minimum na sahod, health insurance at iba pang benepisyong itinatadhana ng Labor Code.
Ikinabahala rin ni Nograles ang report na isang manpower agency ang nakakuha ng kontrata sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ginagamit dito ang mga estudyante na sumasailalim sa on-the-job training para madagdagan ang kanilang tubo.
Nauna nang pinaimbestigahan ni Manila International Airport Authority General Manager Jose Angel Honrado ang naturang kontrobersiya at ipinatigil niya ang pagpapakalat sa paliparan ng 200 student trainee para sa summer season.
- Latest















