Cudia hindi na makakasama sa graduation
MANILA, Philippines - Fort Del Pilar, Baguio City – Patawarin man ni Pangulong Aquino sa kasong paglabag sa Honor Code, hindi na makakasama sa mga magsisipagtapos na mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) Siklab Diwa Class 2014 ngayong araw ang kontrobersyal na si Cadet Aldrin Jeff Cudia.
Sinabi ni Col. Rosano Briguez, commandant ng Cadet Corps na ibinasura na ng Cadet Review and Appeals Board (CRAB) ang isinumiteng apela ng kampo ni Cudia na makahabol sa graduation matapos na muling buksan ang imbestigasyon.
Ayon kay Briguez, kulang pa sa rekisitos si Cudia tulad ng On the Job Training (OJT) sa Naval Training School sa Zambales na natapos na noon pang Pebrero 20 hanggang Marso 2.
Kulang din si Cudia sa mga rekisitos nito sa kaniyang ‘academics subject’ matapos malagay sa Holding Center habang iniimbestigahan ang paglabag nito sa Honor Committee.
Sinabi ni Briguez na kung patawarin man ng Pangulo si Cudia ay sa susunod na taon na ito makakagradweyt kasabay ng PMA Class 2015.
Una nang umapela ang kampo ni Cudia sa tulong ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Atty. Percida Acosta sa PMA na muling buksan ang imÂbestigasyon sa kaso matapos irekomenda ng Honor Committee at pagtibayin ng CRAB ang pagpapatalsik rito sa akademya.
Si Cudia ay naging kontrobersyal matapos na akusahan ng paglabag sa Honor Code ng ma-late ng 2 minuto sa isa nitong aralin kung saan itinuring na pagsisinungaling ang katwiran nito na ang kaniyang professor ang nahuli ng pag-dismis sa kanilang mga kadete.
Sa naging apela ng kampo ni Cudia, iginiit nito na may bagong ebidensya para irebisa ang kaso ng kadete.
Umaabot sa 223 ang magsisipagtapos na kadete sa ilalim ng PMA Siklab Diwa Class 2014 na kinabibilangan ng 19 babae at 204 lalaki.
Si Cudia ang dapat na No. 2 o salutatorian bilang Class Baron sa kanilang klase at top sa Navy Class kung hindi ito napatalsik.
- Latest