Operating hours ng MRT pahahabain
MANILA, Philippines - Pahahabain ng Metro Rail Transit (MRT) ang kanilang operating hours bilang isa sa mga solusyon sa patuloy na pagdami ng mga pasahero nito, lalo na ngayong inaasahang lalala ang pagsisikip na daloy ng trapiko dahil sa sabay-sabay na infrastructure projects sa Metro Manila.
Ang pag-extend ng operating hours ng MRT-3 ay magsisimula sa Lunes, Pebrero 24, ngunit nilinaw ng MRT na ito’y test period pa lamang.
Ayon kay DOTC spokesman Atty. Michael Arthur Sagcal, sa unang dalawang work weeks, sisimulan ng MRT-3 ang kanilang operasyon ng alas-4:30 ng madaling araw mula North Avenue Station at mula alas-5:00 ng madaling araw, mula sa Taft Avenue, sa halip na ang dating alas-5:30 ng madaÂling araw.
Sa Marso 10, ie-extend ng MRT-3 ang oras nito ng hanggang alas-10:30 ng gabi mula sa North Avenue station at alas-11:00 naman ng gabi mula Taft Avenue station.
Ang bagong operating hours ay magtatagal ng isang buwan upang matukoy kung maganda ang magiging epekto nito sa congestion sa transit lines.
Matapos ito ay saka umano magrerekomenda ang management ng MRT-3 sa DOTC kung gagawin ng regular ang bagong operating hours batay na rin sa magiging findings nila sa nasabing test period.
Una nang sinabi ng DOTC na ang mga pasaherong sumasakay sa MRT-3 araw-araw ay labis-labis sa passengers capacity nito kaya plano nilang magdagdag pa ng mga bagong tren.
Pinigil naman ng hukuman ang pagbili ng may 48 bagong tren ng MRT-3 o ang MRT-3 extension project, bunsod ng petisyon ng isang kumpanya laban dito.
- Latest