Calamity relief package binuksan ng SSS para sa biktima ni ‘Agaton’
MANILA, Philippines - Binuksan na ng Social Security System (SSS) ang bagong Calamity Relief Package ng ahensiya na nagbibigay ng salary at house repair loans at advance release ng tatlong buwang pensions sa mga miyembro at pensioners na nabiktima ng bagyong Agaton.
Ayon kay SSS Vice President May Catherine Ciriaco, officer-in-charge of Lending and Asset Management, ang mga nakatira sa mga lugar na apektado ni Agaton na naideklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na isailalim sa state of calamity ay maaari nang mag-aplay para sa naturang assis-tance package.
“The SSS relief package will provide immediate access to funds needed for food, health care and other necessities, while members with damaged homes can have them repaired at affordable loan terms,†pahayag ni Ciriaco.
Naisailalim sa calamity areas dahil kay Agaton ang Lanao del Norte at Agusan del Norte provinces at Iligan, Butuan, Bislig at Tagum cities gayundin ang mga bayan ng Kapalong, Carmen, Asuncion at New Corella sa Davao del Norte; Tarragona, Manay, Caraga, Baganga, Cateel at Boston sa Davao Oriental; Sta. Josefa, Sibagat, Bunawan, San Francisco, Esperanza, Veruela, Trento, Rosario at Loreto sa Agusan del Sur; Lianga, Tago at San Miguel sa Surigao del Sur.
Ang mga pensioners naman na nakatira sa mga naideklarang calamity areas ang maaari nang mag-file ng kanilang aplikasyon sa alinmang SSS branch malapit sa kanilang lugar para makuha ang advance ng tatlong buwang halaga ng kanilang pension para makatulong sa pagbangon mula sa epekto ng naturang kalamidad.
Nilinaw ni Ciriaco na ang mga pensioners ay dapat mag-submit ng aplikasyon na sinertipikahan ng barangay chairman, o katunayan na siya ay nakatira sa binagyong lugar ni Agaton.
Hanggang Abril 30, 2014 ang huling araw ng aplikasyon para rito. Ang aplikasyon ay maaaaring makuha sa alinmang SSS branches o maaring ma-download sa SSS Website (www.sss.gov.ph) o tumawag sa SSS Call Center sa 920-6446 hanggang 55 o send sa email sa [email protected].
- Latest