P4-M cash at mamahaling cellphones, natangay sa mag-asawang Tsinoy
MANILA, Philippines - Aabot sa P4 milyong halaga ng salapi at mamahaling cellular phones ang natangay sa mag-asawang Tsinoy ng isang grupo ng lalaki na nagpakilalang mga tauhan ng Bureau of Customs kamakailan sa Pasay City.
Kahapon lamang nakumpleto ng Pasay City Police ang imbestigasyon sa reklamong idinulog nina Evan at Lovely Choi, 33, kapwa ng Brgy. Capitol Hills, Quezon City. Sa kanilang reklamo, una silang kinontak ng isang Leah Larayna na papakyaw ng mga bagong cellular phones. Itinakda ang pagkikita nila sa may Pres. Macapagal Boulevard Linggo ng gabi.
Dakong alas-6 ng gabi nang magtungo ang mag-asawang Choi sa lugar ngunit sa halip na si Leah ang makita ay ang nagpakilalang mister nito ang humarap sa kanila. Nang makita ang dalang mga iPhone 5s, sinabihan sila na maghintay at kukunin ang perang pambayad sa sasakyan.
Ngunit nang bumalik, kasama na nito ang tatlo pang lalaki na nagpakilalang mga tauhan ng Bureau of Customs at inakusahan silang mga “smugglerâ€. Sapilitang tinangay ng mga salarin ang dala nilang tatlong bag na naglalaman ng 80-pirasong bagong iPhones 5S, P300,000 cash at dalawang ATM cards.
Nagawa naman umanong makatakbo ni Evan habang naiwan si Lovely na isinakay pa sa isang Nissan Altera na may conduction sticker na KD 1493. Habang binabagtas ang Coastal Road, hiningan siya ng mga salarin ng kalahating milyon para hindi siya masampahan ng kaso ngunit nang magmakaawa siya at sabihin na walang pera, napilitang ibaba ang ginang sa may Las Piñas City.
- Latest