MANILA, Philippines - Umapela kahapon ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging mapagmatÂyag at ireport kaagad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang mga insidente ng indiscriminate firing upang makaiwas na maging biktima ng ligaw na bala kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi ni PNP Chief Director General Alan Purisima na mahalaga ang pakikiisa ng publiko sa Oplan Iwas Paputok ng PNP para mabilis na makatugon ang pulisya at maiwasang maiputok ang anumang baril o armas.
Sinabi nito na may mga kaduda-duda namang mga nag-iinuman sa kalsada na may baril ay ireport agad sa mga pulis para ma-check at mapigilan ang posibleng pagpapaputok ng mga ito ng baril.
Hinikayat din ni Purisima ang publiko na anumang mga naoobÂserbahan sa kapaligiran na presensya ng mga tao o grupo na may mga bitbit na baril ay ireport agad sa cellphone number 091 847575 para agad na makarating sa PNP National Headquarters.
Agad naman itong paaaksyunan sa mga kinauukulang hepe ng pulisya o mga station Commanders upang matugunan ang insidente bago pa man may mabiktima ng ligaw na bala.
Kasabay nito, hinimok ni Purisima sa publiko na itext sa nabanggit na numero ang anumang pag-abuso ng sinumang pulis para ito ay mabilis ding mapatawan ng kaukulang pagdisiplina at parusa.