Gen. Bangit inilibing na
MANILA, Philippines - Inilibing na kahapon si dating Army Chief at dati ring AFP Chief of Staff ret. Gen. Delfin Bangit sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Ayon kay Army Spokesman Captain Anthony Bacus, alas-11 ng tanghali ng ihimlay si Bangit sa huli nitong hantungan.
Si Bangit, ika-40 Chief of Staff ng AFP at ika-39 Commanding General ng Philippine Army ay produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Makatarungan Class 1978.
Bumuhos ang emosyon mula sa mga kaibigan, pamilya at mga opisyal ng AFP na nakipaglibing kay Bangit at nakiramay sa mga naulila ng heneral.
Si Bangit ay pinagkalooban ng ‘full military honors’.
Magugunita na ang heneral ay binawian ng buhay sa edad na 58 anyos noong Disyembre 13 sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos ang ilang buwang pakikipaglaban sa sakit na kanser kung saan nagkaroon na rin ito ng kumplikasyon.
Noong Disyembre 17 ay dinala sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo si Bangit kung saan ginanap ang necrological service bago ihatid sa kaniyang huling hantungan.
Si Bangit ay nagsilbi rin bilang Commanding GeÂneral ng AFP Southern Luzon Command, 2nd Infantry Division ng Phil. Army, Chief ng AFP Intelligence Service, Group Commander ng Presidential Security Group at Commanding Officer ng Presidential Escort Battalion ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.
- Latest