Kulong sa bigong maghain ng SOCE ibalik - Comelec
MANILA, Philippines - Mas mabuti umanong ibalik na lamang ang parusang pagkabilanggo laban sa mga nanalong kandidato sa eleksyon na nabigong makapaghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na ito ang nakikita niyang paraan para maobliga ang lahat ng mga pulitiko na sumunod sa itinatakda ng batas.
Posible raw kasi na makaramdam pa ang mga pulitiko ng pangamba kapag ginawa uling election offense ang hindi paghahain ng SOCE.
Nang alisin daw ng Kongreso ang parusang pagkabilanggo sa mga nabibigong maghain ng SOCE ay naging atubili na ang mga pulitiko sa pagtugon sa patakaran.
Sa ilalim ng Omnibus Elections Code, ang kabiguan na maghain ng SOCE ay itinuturing na election offense at ito ay may katapat na parusang pagkabilanggo na mula isa hanggang anim na taon, pag-alis ng karapatan na makaboto at diskwalipikasyon sa paghawak ng mga posisyon sa gobyerno.
Pero ang nasabing probisyon ay napawalang bisa dahil sa Republic Act 7166 na nagsasabing ang kabiguan na magsumite ng SOCE ay magreresulta na lamang sa multa na hanggang P30,000 o hindi pag-upo ng nanalong kandidato sa pwesto at panghabang buhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pwesto sa pamahalaan.
- Latest
- Trending