Parole ni Leviste ‘di na mababawi
MANILA, Philippines - Aminado ang Pangulong Benigno Aquino III na mahihirapan nang bawiin ang ibinigay na parole ng Bureau of Pardons and Parole (BPP) kay dating Batangas Gov. Antonio Leviste na napalaya noong nakilapas na linggo.
Ayon sa Pangulo, wala namang pagtutol ang pamilya ng biktima na si Rafael delas Alas sa pagkakaloob ng parole sa dating gobernador at sinasabi ng BPP na dumaan ito sa lahat ng proseso bago binigyan ng parole si Leviste.
“Pinapa-review ko rin iyon, puwede bang mabawi. Ang pagkaintindi ko ho only sa objection nung family concerned under the present rules. Hindi naman tayo puwedeng gumawa ng panibagong patakaran na magiÂging retroactive. So medyo hirap akong magkomentaryo pa dito dahil nga pinaaral ko nang masusi lahat nung anggulo na mag-review nitong incident na ito,†anang Pangulo.
Samantala, kumbinsido naman si Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na legal ang pinagbatayan ng BPP sa pagpapalaya kay Leviste.
Halos dalawang oras na pinulong ni De Lima ang mga opisyal ng Bureau of Corrections at BPP kahapon kung saan ay nanindigan sila na nakatugon si Leviste sa lahat ng requirement para sa parole.
Hindi umano nila ginawang batayan ng disqualification sa parole ni Leviste ang nabuking na paglalabas masok niya sa NBP noong 2011 dahil naabswelto naman siya ng hukuman sa kasong ‘evasion of service of sentence’.
Pinatawan na rin umano ng parusa ng Board of Discipline ng NBP si Leviste tulad ng pag-aalis sa ilang pribilehiyo bilang bilanggo, ang kanyang galaw sa loob ng Bilibid ay hinigpitan din at ibinawas din ito sa kanyang good conduct time allowance.
Si Leviste ay magugunitang nahatulan ng anim na taon hanggang 12 taong pagkakakulong noong 2007 ng Makati City Regional Trial Court matapos mabaril at mapatay nito ang kanyang kaibigan at aide na si delas Alas sa loob ng tanggapan mismo ng gobernador sa LPL building sa Makati City.
Noong 2011 ay nabuko ng media ang palabas-pasok ni Leviste mula sa kanyang selda sa NBP na walang pahintulot ng korte at Bucor kung saan 5 personnel ng NBP ang nasibak dahil sa pagsisilbing escort kay Leviste sa paglabas at pagpasok sa kulungan.
- Latest