PAO lawyers puwedeng tanggihan ni Napoles
MANILA, Philippines - Karapatan ni Janet Lim-Napoles na tanggihan ang ibibigay na abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) sa pagharap nito sa pagdinig ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ito ang sinabi kahapon ni Senate President Franklin Drilon kaugnay sa ulat na walang abogado si Napoles sa pagharap nito sa Senado.
Ipinunto ni Drilon na karapatan ng sinumang akusado na mamili ng kanyang sariling abogado at hindi maaring igiit ang abogado mula sa PAO.
Nakasaad anya sa Saligang Batas ang karapatan ng isang akusado na magkaroon ng abogado sa isang imbestigasyon.
Pero kahit walang abogado dapat humarap ngayon sa pagdinig si Napoles.
Ipinahiwatig din ni Drilon na maaring hindi sagutin ni Napoles ang mga tanong na ibabato sa kanya ng mga senador.
Nauna rito, iginiit ni Napoles na ipagpaliban ang pagdinig ng Blue Ribbon dahil sa kawalan ng abogado pero hindi ito pinagbigyan ng komite.
- Latest