P10M pondo inilaan para pataasin ang produksyon ng bawang
MANILA, Philippines - Ipinahayag ni Sen. Cynthia Villar, chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, na nakakuha sila ng P10 million ‘pledge’ na pondo mula sa Department of Agriculture (DA) na pantustos sa pag-aaral para mapaunlad ang produksyon ng tanyag na ‘Ilocos garlic’.
Nagsagawa ang koÂmite ni Villar ng public hearing sa Mariano Marcos State University (MSSU) sa Batac, Ilocos Norte, upang alamin ang mga hinaing at suliranin ng mga magsasaka ng bawang mula sa Ilocos Norte at Ilocos Sur at ng stakeholders sa onion industry.
Ang mga opisyal ng DA sa pangunguna ni Agriculture Secretary Proceso Alcala ay dumalo rin sa pagdinig kasama sina Senator Bongbong Marcos at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
Sinabi ni Villar na maraming naresolbang suliranin bunga ng pagdinig partikular ang kawalan ng pondo para mapaganda ang ‘seedling’ ng bawang upang lalong maging competitive.
Ang P10 milyong pondo ay magmumula sa DA base na rin sa pangakong binitiwan ni Alcala bilang tugon sa kahilingan ng MMSU na magsasagawa ng pananaliksik at pag-aaral sa bawang.
Ani Villar, muling magpupulong ang mga opisyal ng DA at MSSU sa susunod na linggo upang maÂging pinal ang bagay na ito.
Binanggit din ni Villar na ang mga magsasaka mula sa Ilocos ay magkakaroon ng kinatawan sa National Garlic Action Team na naunang kinuwestiyon ni Sen. Marcos.
Naniniwala ang senadora na makatwiran lamang na magkaroon ng kinatawan ang magsasaka mula sa Ilocos dahil sa 70 porsiyento ng buong produksyon ng bawang ay dito nagmumula.
- Latest