PSG pinabubuwag
MANILA, Philippines - Pinabubuwag na nina Ako Bicol Party list Reps. Christopher Co at Rodel Batocabe ang Presidential Security Group (PSG). Sa halip ay nais ng mga mambabatas na palitan na lamang ito ng mas propesyunal na organisasyon na tatawaging Government Protection and Security Service (GPSS).
Sa inihaing House bill 335 nina Co at Batocabe, layunin lamang nitong protektahan ang pwersa ng security personnel na bubuo ng GPSS mula sa pulitika.
Nakasaad pa sa panukala na ang PSG ay kasalukuyang army unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) subalit mayroong naitatalaga dito na mula sa Philippine National Police (PNP), Special Weapons and Tactics (SWAT) at Special Action Force (SAF).
Subalit ang posisyon umano sa PSG ay pinag-aagawan dahil malapit ito sa seat of power kaya magiging springboard para sa career ng mga opisyal nito at ang mga napo-promote dito ay may utang na loob sa pangulo ng bansa.
Ang GPSS na isinusulong ng dalawang mambabatas ay mapapasailalim naman sa Office of the President at ang mga agents na bubuo dito ay magkakaroon ng plantilla position. Ito ang siyang mangangasiwa sa seguridad ng Pangulo, Bise Presidente at First Family, Senate President, House Speaker, Chief Justice gayundin sa mga bibisitang dayuhan ng heads of state sa bansa.
Giit naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi partisan ang PSG kaya walang dahilan upang palitan ito ng ibang grupo.
Depensa ni Valte, ang tanging concern lamang naman ng PSG ay ang seguridad ng Pangulo ng bansa at wala silang nakikitang partisan politics sa pagtupad ng PSG sa kanilang tungkulin.
- Latest
















