‘Labuyo’ lumalakas
MANILA, Philippines - Higit pang lumakas at bumilis ang bagyong Labuyo habang tinatahak ang direksyon patungong hilagang kanluran.
Alas-10 ng umaga kahapon, namataan ng Pagasa ang sentro ng bagyo sa layong 1,000 kilometro sa silaÂngan ng Bicol Region taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at tinatahak ang direksyong hilagang kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.
Ngayong Sabado, si Labuyo ay inaasahang nasa layong 840 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora at sa araw ng Linggo ay nasa layong 490 kilometro silangan ng Tuguegarao City.
Sa isang panayam, sinabi ni Connie Dadivas, posibÂleng sa Martes o Miyerkules sa susunod na linggo ay maaring lumabas na ng Philippine Area of Responsibility si Labuyo.
Hindi naman inaasahang makaaapekto ang bagyo sa anumang panig ng bansa dahil na rin sa layo nito.
Samantala, bukod sa bagyong Labuyo, patuloy na sinusubaybayan ng Pagasa ang isa pang low pressure area na tinatayang nasa layong 65 kilometro timog silangan ng San Jose, Occidental Mindoro.
Nakapaloob ito sa intertropical convergence zone at inaasahang magdudulot ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Southern Luzon kasama ang Metro Manila, Visayas at Northern Mindanao.
- Latest