Gurong nagtuturo ng pag-iimpok, paparangalan
MANILA, Philippines - Paparangalan ng Department of Education (DepEd) at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga gurong epektibong makapagtuturo sa kanilang mga estudyante ng kahalagahan ng pag-iimpok at financial education.
Nabatid na ito’y kasunod nang paglulunsad ng DepEd at BSP ng national search para sa best financial education teacher na tinawag na GURO ng PAG-ASA (Gantimpala para sa Ulirang Pagtuturo ng Pag-iimpok at Araling Pansalapi).
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, layunin ng naturang search na parangalan ang mga guro na nagpapakita ng di matatawarang dedikasyon sa pagtuturo sa kanilang mga estudyante ng ugali nang pag-iimpok sa pamamagitan ng paggamit ng teaching guides sa Edukasyon sa Pagpakatao (EsP), Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP) at Araling Panlipunan (AP).
Nabatid na sa Oktubre pa naman magsisimula ang search at magtatapos sa Enero 2014 ngunit ngayon pa lamang ay inianunsiyo na ito upang maitanim sa isipan ng mga tao ang kahalagahan ng financial literacy.
Maaaring mag-nominate ang mga principals at school heads o maging district supervisor.
Kabilang sa criteria ang instructional competence at teaching effectiveness na may 75 points, ikalawa ang professional at community involvement na may 25 points at ikatlo ang ‘plus factor’ na naka-pokus sa dokumentasyon ng school-based sustainability program na nagsusulong ng kahalagahan ng pag-iimpok, money management at entrepreneurship na may katumbas na 20 puntos.
- Latest