MANILA, Philippines - Nasagip ang 14 tripulanteng Pinoy matapos mahati sa dalawa ang kanilang sinasakyang cargo vessel habang nagÂlalayag sa karagatan sa pagitan ng India at Yemen.
Sa report na nakaraÂting sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang Singapore-bound merchant vessel na MV Mol Comfort na nagmula sa Jeddah, Saudi Arabia ay nahati sa gitna at nailigtas ang lahat ng crew nito na 14 Pinoy at 12 Russians.
Sa unang ulat ng The Indian Express, ang MV Mol Comfort na may 316 metrong haba ay naglalaman ng 4,500 containers mula Saudi at habang nagÂlalayag may 840 nautical miles o 1,557 kilometro ang layo sa Mumbai coast nang biglang mahati ang nasabing barko sa dalawa noong Lunes.
Mabilis na nagsagawa ng rescue operations ang Indian Coast Guard matapos na makatanggap ng distress call mula sa barko at nasagip ang mga crew na isinakay sa dalawang life rafts at life boat.
Napilitan umanong i-divert ng Maritime Rescue Coordination Center ang tatlong barko na MV Hanjin Bejing, MV Zim India at MV Yantian Express na naglalayag din malapit sa pinangyarihan ng insidente dahil sa ginawang rescue operations.
Ang mga nasagip na 26 tripulante ay dinala na sa Colombo para sa medical examinations at stress debriefing.