Sagot ni Estrada hinihingi ng SC
MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ng Kataas-taasang Hukuman si Manila Mayor-elect Joseph Estrada na maghain ng paliwanag kaugnay sa petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng kanyang kandidatura sa May 13, 2013 midterm polls.
Ayon kay Atty. Theodore Te, ang pinuno ng Public Information office ng Supreme Court, binigyan ng 10 araw ng SC ang Comelec at si Estrada upang isumite ang kanilang komento.
Una nang umakyat sa Korte Suprema si Atty. Alicia Vidal matapos na idismis ng Comelec ang kanyang petisyon para matanggal si Estrada bilang kandidato sa pagka-alkalde sa Lungsod ng Maynila.
Sa kanyang petition for review, hiniling ni Vidal na magpalabas ng temporary restraining order ang SC para mapigilan ang kandidatura ni Estrada sa katatapos pa lamang na eleksyon.
Naniniwala si Vidal na hindi dapat payagang tumakbo sa eleksyon si Estrada dahil sa mga panuntunan na nakapaloob sa ibinigay sa kanyang pardon ni dating Pangulong Gloria Arroyo nang siya ay mahatulang guilty ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong noong 2007.
Ngunit sa desisyon ng Comelec, ang civil at political rights ni Manila Mayor Elect Estrada, kasama na ang karapatan na kumandidato sa public office, ay naibalik nang siya ay gawaran ng pardon ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Rep.Gloria Macapagal-Arroyo.
- Latest
- Trending



















