Obrero pisak sa concrete barrier
MANILA, Philippines - Basag ang bungo ng isang construction worker nang mabagsakan ng concrete barrier sa loob ng isang warehouse sa Malabon City kamakalawa.
Dead-on-arrival sa Pagamutang Bayan ng Malabon (PBM) ang biktimang si Justino Llaga, ng Purok 6, Dulong Hernandez, Brgy. Catmon ng naturang lungsod.
Ayon sa imbestigasyon ng Station Investigation Division (SID), Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-5:10 ng hapon sa loob ng isang warehouse na pag-aari ng Maruzen Property na matatagpuan sa Brgy. Longos, Malabon City.
Base sa salaysay ng saksing sina Jeffrey Pacel, 22, at Rolly Servano, 30, kasalukuyang nagtatahip ng bigas ang biktima sa tabi ng pitong talampakang taas ng concrete barrier nang aksidenteng natumba hanggang sa nabagsakan ito at napuruhan ang ulo nito.
Kaagad namang dinala ang biktima sa nabanggit na ospital, subalit hindi na nakarating ng buhay.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga pulis kung may naganap na foul play sa insidente at kung may pananagutan ang may-ari ng nasabing warehouse.
- Latest