Back channel negotiation sa Taiwan iminungkahi
MANILA, Philippines - Iminungkahi ng ilang mambabatas sa administrasyong Aquino na magsagawa na ng back channel negotiation sa Taiwan upang mapigilan na ang lumalalang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at nasabing bansa matapos ang umanoy pamamaril sa isang Taiwanese fisherman sa Balintang Channel sa Batanes.
Ayon kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe, kailangan ang back channel na diplomasya upang matiyak na mareresolba sa lalong madaling panahon ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa.
Kung hindi naman ay inirekomenda din nito na pumili ng bansang pwedeng mamagitan para maayos ang ugnayan ng Pilipinas sa Taiwan at maiwasan na madamay pa ang mga OFWs doon dahil sa insidente.
Iginiit din nito na hindi dapat alisan ng Taiwan ng dignidad ang Pilipinas matapos na humingi na ng paumanhin ang mismong Pangulong Aquino ngunit dinedma lamang ng Taiwan at nagpatong pa ng ibang reklamo laban sa Pilipinas.
Samantala nanawagan din si Gabriela party- list Rep. Luzviminda Ilagan na huwag tumigil ang pamahalaan sa kanilang pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Taiwan at sa halip ay patuloy pa rin magpakumbaba.
Giit ni Ilagan, kaligtasan at buhay ng libo-libong OFWs ang nakasalalay kaya dapat na ipagpatuloy lamang ang pakikiÂpag-ugnayan dito at hindi lamang ang MECO ang dapat humarap kundi sundan din ito ng pagharap ng mas mataas na ranggo o opisyal ng bansa upang higit tayong mapakinggan ng gobyerno ng Taiwan.
- Latest