Pagbebenta ng brass knuckles ipagbawal – PNP
MANILA, Philippines - Hihimukin ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima ang mga lokal na opisyal na ipagbawal ang pagbebenta ng brass knuckles o asero upang maiwasang magamit ito sa anumang uri ng karahasan.
Ginawa ni Purisima ang pahayag sa gitna na rin ng pagkamatay ng 14 anyos na high school student sa Taguig City na sinuntok ng asero ng dalawang estudyante na hindi sinasadyang nasagi nito kamakailan.
Ang insidente ay naganap sa Diosdado Macapagal High School habang nage-enroll ang biktima na bagaman nagawa pang isugod sa pagamutan ay binawian rin ng buhay sa Taguig–Pateros Hospital matapos ang dalawang araw sanhi ng pamamaga ng utak.
Sinabi ni Purisima na malaki ang magagawa ng mga lokal na opisyal upang mapigilan ang pagkalat ng mga ibinebentang ‘brass knuckles’ na karaniwan ng ginagamit sa karahasan lalo na ng mga sigang kabataan.
Naalarma ang top cop matapos na mabatid na nagkalat sa mga bangketa tulad sa Quiapo, Divisoria, Baclaran at iba pa ang mga ibinebentang brass knuckles na maari na umanong maihanay bilang isang ‘deadly weapon’.
Ayon pa sa PNP Chief, mahalagang ma-regulate ang pagbebenta dito dahil sa lumalawak na ang bentahan nito dahil sa katwirang gagamitin ito bilang pang-self defense.
Ngayong may mga nangyaring insidente ng karahasan ay dapat na umanong umaksyon ang mga lokal na opisyal para mahigpitan ang bentahan ng asero.
- Latest