21 Pinoy laya na!
MANILA, Philippines - Pinakawalan na ng mga rebeldeng Syrian ang 21 sundalong Pinoy na nagsisilbing peacekeepers ng United Nations sa Golan Heights, Israel matapos ang tatlong araw na pagkakabihag.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paglaya ng 21Pinoy na miyembro ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) matapos silang ipasa ng mga Syrian abductors sa Jordanian authorities. Kasalukuyan na silang nasa isang hotel sa Amman.
Hindi na hiningi pa ng mga abductors ang kanilang unang demand na mag-pullout muna ang mga Syrian troops na loyalista ni Syrian President Bashar al-Assad bago nila pakawalan ang mga bihag dahil na rin sa pakikipag-negosasyon ng UN team.
Natagalan umano ang pagpapalaya sa mga peacekeepers dahil na rin sa pagtiyak sa kanilang kaligtasan. Imbes na sa isang lugar sa al-Jamla dadalhin ang 21 hostages kung saan nag-aantabay ang susundong UN team, dinala ang mga hostages sa border ng Jordan.
Pansamantalang itinigil ng Syrian army ang pagpapaputok at pambobomba sa lugar upang bigyang daan ang pagpapalaya sa mga bihag.
Agad na nagpasalamat ang DFA sa UN, Syrian at Jordan government dahil sa pagtulong sa mga Pinoy peacekeepers.
- Latest