Paggamit ng mobile phone habang nagmamaneho mahigpit na ipatutupad

MANILA, Philippines - Mahigpit nang ipatutupad sa mga motorista ang pagbabawal sa paggamit ng mobile phone habang nagmamaneho sa Lungsod ng Caloocan na kadalasang nagiging dahilan sa pagkakaroon ng aksidente sa kalsada.

Ayon kay Caloocan Ci­ty Mayor Enrico “Recom”­  Echiverri, binabalewala ng mga motorista ang ordinansa ng Sangguniang Panglungsod na tinaguriang “An ordinance prohibiting the use of mobile phone while driving” kaya’t marami pa ring motorista ang naaksidente sa pagmamaneho.

Aniya, huhulihin na ng mga tauhan ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) ang mga driver na gagamit ng kanilang mobile phone habang nagmamaneho.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga motoristang mapapagawi sa Caloocan City na huwag nang gumamit ng kanilang mobile phone habang nagmamaneho upang maiwasan ng mga ito ang maabala.

Sa record ng PNP-High­way Patrol Group kabilang ang paggamit ng mobile phone sa mga nangungunang dahilan kung bakit nagkakaroon ng aksidente sa kalsada.

Kasama rin sa pangu­nahing dahilan ng mga nangyayaring aksidente sa mga lansangan ang overtaking, over-speeding, mechanical defects at road conditions.

 

Show comments