Manager ng feeds company kinasuhan ng beterinaryo

MANILA, Philippines - Sinampahan ng patung-patong na kaso ng isang negosyante at veterinarian ang sales operations manager ng isang feeds company matapos umano nitong pagbintangan ng pagnanakaw at murahin ang complainant.

Kasong oral defamation, threats at unjust vexation ang kinakaharap ni Dr. Renante dela Cruz, sales operations manager ng isang malaking kumpanya ng feeds bunsod ng reklamo ni Olimpia Ragasa, isang beterinaryo na may-ari ng Ragasa Poultry Supply na residente ng 137 Brgy. San Bartolome, Sta. Ana, Pampanga.

Sa reklamo ni Ragasa sa Provincial Prosecutor ng San Fernando City sa Pampanga, nag-ugat ang kaso nang tawagan niya si dela Cruz upang tanungin kung bakit na-hold ang order niyang mga feeds noong Nob. 20, 2012.

Laking gulat ni Ragasa nang makausap niya si dela Cruz ay bigla umano siyang pinagsalitaan ng masasakit at pagbintangan pa umanong nakikipagsabwatan sa ahente ng isang malaking feeds company upang ‘magnakaw’ ng feeds para umano tumaas ang kanyang rebates.

Dahil sa kahihiyang inabot dahil may mga taong nakarinig ng pag-uusap nila ay kinailangang magpa­tingin sa doktor ni Ragasa dahil sa paninikip ng dibdib at hirap na pag­hinga. Malaunan ay nagpasya na rin si Ragasa na magsampa ng kaso laban kay dela Cruz.

 

Show comments