PNP pinagpapaliwanag ng Comelec: Krimen dumarami sa gun ban

MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa kaliwa’t kanang krimen na sunud-sunod na nagaganap sa loob lamang ng ilang araw sa kabila na may pinatutupad na election gun ban.

Ang kautusan ni Co­melec Chairman Sixto Brillantes Jr. ay bunsod ng nangyaring panghoholdap sa isang jewelry shop sa SM Megamall sa Mandaluyong, ang pagpaslang kay Mayor Erlinda Domingo ng Maconacon, Isabela na naganap sa Quezon City at ang pananambang sa La Castellana, Negros Occidental na ikinamatay ng 9 na indibiduwal kahapon ng madaling araw.

Bukod pa rito ang insidente ng Atimonan shootout na ikinasawi ng 13 katao, pamamaril ng isang Canadian sa loob ng courtroom sa Cebu na ikinamatay ng 3 katao at marami pang kaso ng patayan.

Pinaliwanag ng poll chief na malaki pa rin ang kumpiyansa niya sa pambansang pulisya na nagagampanan ang kanilang tungkulin ngunit nais lamang umano niya na matukoy kung tumaas ang bilang ng krimen kahit na may gun ban.

Show comments