Pekeng gun ban exemption permit ibinebenta ng P1,200

MANILA, Philippines -  Binalaan ng Commission on Elections (Come­lec) ang sinumang nagtataglay ng pekeng gun ban exemption permit na maaring maharap sa kasong falsification of public documents at makukulong ng mula 6 hanggang 12 taon.

Ayon kay Comelec Commissioner Elias Yusoph, chairperson ng Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP), na may impormasyon hinggil sa pagkalat ng gun ban permits na may pekeng pirma niya.

Sinabi ni Yusoph na ang orihinal na permit ay may watermark ng Comelec, dapat mayroong pirma niya, at maging nina PNP General Miguel Antonio Jr. at AFP General Rodelio Santos.

Ang application fee aniya para sa exemption permit ay P5,000 habang ang peke ay nabatid nilang pinababayaran ng hala­gang P1,200.

Panawagan ni Yusoph sa publiko na sakaling may mag-alok na fixer ng permit, naka-uniporme man o pribadong indibid­wal ay huwag paniwalaan at agad ireport sa Comelec.

Babala pa ni Yusoph sa mga pulis at militar na nagsasagawa ng check- point na maging mapanuri sa mga permit ng mga motorista na nagpiprisinta ng permits sa pagdadala ng baril.

 

Show comments