MANILA, Philippines - Isang Pinoy na sumailalim sa gamutan o medikasyon sa Estados Unidos dahil sa sakit na cancer ang nasawi sa loob mismo ng sinasakyang eroplano habang pauwi na sa Pilipinas.
Sa report na tinanggap ng Manila International Airport Authority mula sa Philippine Airlines (PAL), kinilala ang Pinoy na si Daniel Samson, 59, isang umano’y cancer patient at sumailalim sa cancer treatment session sa US.
Si Samson ay nasawi matapos na dumanas ng cardio-respiratory arrest o atake sa puso habang lulan ng PAL flight PR-10 may isang oras at kalahati bago mag-stopover ang eroplano sa Guam.
Nabatid na sinubukan pa umanong i-revive si Samson ng isang doktor na nakilalang si Purificacion Marquez na kasama sa mga pasahero ng eroplano sa pamamagitan ng manual cardio-pulmonary resuscitation at defibrillator gadget subalit hindi na rin nakaligtas.
Napag-alaman na may kanser sa tiyan si Samson at nagtungo sa US para magpagamot. Kasama nito ang kanyang maybahay sa nasabing flight.