MANILA, Philippines - Instant milyonaryo ang anim sa 10 tipster na nagbigay daan sa pagkakahuli sa mga wanted na lider ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) at New People’s Army (NPA) matapos na igawad kahapon ng mga intelligence officer ng AFP ang aabot sa P22 milyong reward ng mga ito.
Iprinisinta kahapon sa media ang mga tipster na pinagsuot ng itim na bonnet at hindi pinangalanan bilang proteksyon sa kanilang seguridad.
Sinabi nina AFP Deputy Chief of Staff for Intelligence (J2 ) Chief Major Gen. Francisco Cruz Jr., at AFP Civil Relations Service Chief Major Gen. Rolando Tenefrancia na nakatulong ng malaki ang nasabing mga tipster para mahuli ang mga target na lider ng Abu Sayyaf at NPA.
Nangunguna sa mga tumanggap ng reward ang tipster ni Abu Commander Ghumbahali Jumdail alyas Doc Abu Pula na (P7.4 M ang pabuya. Si Doc Abu ay sinasabing nalipol sa air strike sa Parang, Sulu noong Pebrero 2012 kasama ng may 15 pang nasawing Jemaah Islamiyah (JI) terrorist at mga lider ng Sayyaf.
Tumanggap rin ng P3.3 M pabuya ang tipster ng Abu sub-leader na si Suhud Tanadjalin na nasawi sa encounter at P1.2 M naman ang reward ng tipster ni Usman Said alyas Kaiser Said na napatay rin sa bakbakan sa militar.
Ang iba pang mga nahuli ay sina Abu Usama, Burrong Rasul Barro alyas Abu Mohammad, Rommel Abbas alyas Abu Nick at Samsudin Musa alyas Musa na may tig-P350,000 pabuya bawat isa.
Sa hanay naman ng NPA rebels, tumanggap ng P5.6 M reward ang tipster ng mataas na lider ng komunistang grupo na si Allan Jazmines alyas Ka Thomas/Arthur; Robert Anchez alyas Ka Stanley (P1.2 M) at Edgardo Sevilla alyas Ka Palong (P1.2 M). Ang mga ito ay may mga kasong murder, robbery in band at multiple frustrated murder.