Nominal voting sa RH bill ok sa solons
MANILA, Philippines - Naging mainit ang debate ng mga kongresista sa ginanap na period of amendment kagabi ng kontrobersyal na House Bill 4244 o ang Reproductive Health (RH) bill.
Alas-8 ng gabi ng matapos ang period of amendment subalit pinagtalunan naman nina Cebu Rep. Pablo Garcia at House Majority leader Neptali Gonzales kung nominal voting o viva voce ang paraan ng botohan.
Sa bandang huli nanalo ang nominal voting matapos na mag-mosyon si Navotas Rep. Toby Tiangco na mayroong 1/5 ng 217 kongresista ang nais ng ganitong paraan.
Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy na nagpapaliwanag ang mga kongresista kung ano ang kanilang boto.
Kapag naipasa sa ikalawang pagbasa ang RH bill ay muli namang magbobotohan sa Lunes, Disyembre 17.
Naging makulay naman ang plenaryo ng Kamara sa ginanap na botohan ng RH Bill.
Umaga pa lamang ay nagtipon-tipon na sa South wing gate ang mga pro RH samantala sa North wing gate naman ng Batasan complex ang mga anti RH.
Sa loob naman ng plenaryo ay pumuwesto sa kanang bahagi ng gallery ang mga nakasuot na pula na mga kontra sa RH bill.
Sa kaliwang gallery naman ang mga naksuot ng kulay violet o lila na mga pabor sa nasabing panukalang batas.
Dumating din upang saksihan ang botohan sina Archbishop Ramon Arguelles (Lipa, Batangas), BishopsTeodoro Bacani Jr., (Bishop emeritus, Novaliches), Roderick Pabillo (Manila auxulliary), Jesse Mercado(Paranaque), Honesto Ongtioco (Cubao), Gabby Reyes (Antipolo) at Masgr. Clemente Ignacio (rector Quiapo church).
- Latest
- Trending