P4-B pinsala kay ‘Pablo’
MANILA, Philippines - Umaabot na sa mahigit P4 bilyon ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura na dulot ng bagyong Pablo partikular sa Davao Oriental at Compostela Valley na naging sentro ng hagupit ng kalamidad.
Sa ulat ng National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC), mahigit P630 milyon ang napinsala sa imprastraktura at P3.365 milyon naman sa agrikultura.
Ayon naman sa Office of Civil Defense (OCD) Region XI, sa Compostela Valley pa lamang ay nasa P3.4 bilyon ang nasira sa agrikultura na inaasahang tataas pa habang patuloy ang assessment sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Sa Davao Oriental ay nagtamo naman ng P820 milyon pinsala sa irigasyon habang nasa P5.4 milyon sa mga pribadong ari-arian.
Naitala sa kabuuang 15,850 ang nawasak na kabahayan sa Regions IV-B, VII, X, XI at CARAGA Region.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 474 ang bilang ng mga nasawi kung saan ang Compostela Valley ay nakapagtala ng 223 at 216 sa Davao Oriental.
Idinagdag pa rito ang ulat ng NDRRMC na 2 ang patay sa Palawan, 1 sa Capiz, pito sa Central Visayas, 2 sa Eastern Visayas, 1 sa Zamboanga City, 11 sa Northern Mindanao at 11 sa CARAGA Region.
Aabot naman sa 445 ang sugatan at nasa 383 katao ang pinaghahanap.
Ang bagyo ay nakaapekto sa 1,862 barangay sa 188 munisipalidad, 29 lungsod at 26 bayan.
Tumaas naman sa 5,141,356 katao ang naapektuhan ng kalamidad kung saan 233,808 katao ang kinakanlong ngayon sa mga evacuation center.
- Latest