MANILA, Philippines - Pinagtibay ng Korte Suprema kahapon ang naging kautusan ng mababang korte na nagbabasura sa kinasasangkutang multiple murder case ni Sen. Panfilo Lacson kaugnay sa kontrobersiyal na Kuratong Baleleng “rubout” case noong 1995.
Sa desisyong ipinonente ni Supreme Court Associate Justice Roberto Abad, kinatigan nito ang ruling ni Quezon City Regional Trial Court Branch 81, Judge Ma. Theresa Yadao na nagpapawalang-sala kay Lacson sa anumang pananagutang kriminal sa pagkamatay ng 11 miyembro ng Kuratong Baleleng noong Mayo 18, 1995.
Labing tatlong mahistrado ang bumoto pabor sa nasabing desisyon.
Nag-inhibit sa nasabing kaso si Associate Justice Antonio Carpio.
Nauna nang ibinasura ng QC RTC ang kasong murder laban kay Lacson at sa iba pang opisyal ng pulisya dahil sa kawalan ng probable cause.
Paliwanag sa kautusan ng Mataas na Hukuman, walang naging grave abuse of discretion sa panig ni Judge Yadao nang kanyang ibasura ang kaso.
Ang nasabing insidente ng pagpatay ay naganap nang nasa kustodiya ng pulisya o ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) kung saan hepe si Lacson, ang 11 miyembro ng Kuratong.