MANILA, Philippines - Posible umanong isunod na buwisan ng gobyernong Aquino ang mga text messages kasunod ng sin tax.
Ito’y matapos imungkahi ng International Monetary Fund (IMF) ang “tax on text” upang maibsan umano ang ipinataw na excise taxes sa produktong langis, tabako at alak matapos mapag-aralan na wala namang dagdag buwis sa nabanggit na serbisyo sa Pilipinas maliban sa value added tax (VAT).
Sa isang briefing sa Malacañang, sinabi ni IMF Managing Director Christine Legarde na pabor siya sa hakbang na maganda, solidong medium term vision subalit kailangang one step at a time at ang buwis sa text o tawag ay dapat na napakababa lamang.
Sa mga nagdaang administrasyon ay nakitaan umano ng mga mambabatas na maaaring buwisan ang text dahil tiyak ang pagkita rito ng pamahalaan matapos kilalanin ang Pilipinas bilang isa sa pinakamaraming gumagamit ng cellular phone at ang mga mensahe sa isang buwain ay umaabot sa 600 sa bawat isang subscriber lamang.
Mahigit naman sa 850 milyon short messaging services (SMS) o text ang naipadadala araw-araw sa Pilipinas kung saan naitala na may 86 milyong mobile phone ang ginagamit o 91.5 porciento ng kabuuang populasyon.
Ngunit dapat umanong talakayin ito sa sandaling maisabatas na ang sin tax bill na nakabinbin pa sa Senado.
Matatandaan na may inaprubahan sa Kamara noong September 2009 na nagpapataw ng P.5 sentimong buwis sa text messages subalit binawi rin ito matapos tutulan ng publiko.