Halaga ng multa sa traffic violation sa MM isa na lang
MANILA, Philippines - Simula sa Enero 2013, isang halaga na lamang ang sisingilin ng bawat lungsod at munisipalidad sa Metro Manila sa bawat traffic violation ng mga motorista.
Ito’y makaraang aprubahan ng Metro Manila Council (MMC) sa kanilang pulong kahapon ang pagpapatupad ng “harmonized traffic fines and penalties” kasunod ng ipinatupad na “unified traffic ordinance violation receipt” noong nakaraang Marso 1.
Sa ilalim ng UTVR, isang uri ng tiket na lamang ang ginagamit ng lahat ng traffic enforcers sa Metro Manila kung saan kikilalanin ito ng ibang lungsod na daraanan ng nahuling motorist. Sa kabila nito, nagkakaroon pa rin ng kalituhan dahil sa magkakaiba ang presyo ng multa bawat lungsod.
Sa resolusyong inaprubahan kahapon, sinabi ni MMDA Asst. Manager for Operations Atty. Emerson Carlos na magiging pare-pareho na lamang ang halaga ng multa upang hindi na malito ang mga motorista lalo na ang mga transport groups.
Sinabi ni Carlos na sa 17 lungsod at munisipalidad, ang Caloocan City ang nagpapataw ng pinakamataas na multa sa mga lumalabag sa batas trapiko sa Metro Manila.
Nilinaw naman ni Carlos na hindi kabilang sa napagkasunduan ang parehas ding multa na ipapataw ng Land Transportation Office (LTO) lalu na’t wala namang kinatawan ang naturang ahensiya nang magpulong ang technical working group na bumalangkas sa magkakahalintulad na multa.
Samantala, pormal na binuksan na rin kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawang bike lanes sa Maynila.
- Latest