375 classrooms naipatayo ni Recom
MANILA, Philippines - Umabot sa 375 classrooms ang naipatayo ng administrasyon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri simula ng manungkulan itong alkalde noong 2004 na napakikinabangan ngayon ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa buong lungsod.
Ayon kay Echiverri, sa simula ng pagsisilbi nitong alkalde ng lungsod ay inabutan nito na mayroong 85 estudyante sa bawat silid aralan o 1:85 ratio kaya’t nagpursige itong madagdagan ang mga classrooms na ginagamit ng mga mag-aaral.
Aniya, bagama’t patuloy na dumarami ang mga nag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa buong lungsod ay naibaba ang classroom to student ratio ng 1:55 at inaasahan na patuloy pa itong bababa dahil sa mga gagawin pang silid aralan.
“With the implementation of K12 program, more classrooms would be needed, and I promise that before the end of my term, we shall be constructing 300 more classrooms”, sabi pa ni Echiverri.
Bukod sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya ay pinagtuunan din ng pansin ni Echiverri ang University of Caloocan City (UCC) kung saan ay mayroon ng 12,000 estudyante kumpara noong 2004 na mayroon lamang 4,000 college students.
Nakapagpatayo na rin si Echiverri ng mga school comfort rooms sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong lungsod kaya’t hindi na nahihirapan ang mga estudyante sa paghahanap ng lugar sakaling tinatawag ng kalikasan.
- Latest