10 patay, 9 missing kay Ofel!
MANILA, Philippines - Umaabot na sa sampu katao ang namatay, siyam ang nawawala at 10 pa ang nasugatan sa bagyong Ofel na nanalasa sa bansa partikular sa Regions IV-B, VIII, IX at X.
Kabilang sa nasawi ang 4-anyos na si Princess Najera, na natabunan ng landslide sa San Juan, Batangas kahapon ng umaga.
Kinilala ang iba pa na sina Roberto Manongsong ng Batangas City at Rigel Saycon ng Cebu City na pawang nalunod; Solustiano Fabellon ng Romblon, nadaganan ng nabuwal na punongkahoy sa Romblon; Sophia Recto, 88, nasawi sa hypothermia sa Marinduque; Olive Luna na namatay sa Oriental Mindoro; ang 4-anyos na si Shiela May Kesaba na nabagsakan ng bakal sa Glan, Sarangani; Maryjoy Canete, 5, ng Cataingan, Masbate; Eve Fajutaq at Grace Mallorca, kapwa guro na pasahero ng lumubog na bangka sa Romblon, Romblon at si Ruben Tabura, 66, na nadaganan ng landslide sa Brgy. Jaclupan, Talisay City.
Patuloy namang pinaghahanap ang walo pa na sina Jonrey Acaso, 28 ng Pintuyan, Southern Leyte; Jonnie Fronda Ocson, 8, ng Odiongan, Romblon; Abet Posto, 12; Ariel Posto, 23; Clemente Umban Jr. na pawang taga Tacloban City, Leyte; Mohammad Kanape Guiamad, 11, ng Brgy. Tamontaka, Cotabato City; Rolando Chavez ng Tukuran, Zamboanga del Sur at dalawa pa mula sa General Santos City.
Nasa 36 biyahe naman ng eroplano ng Cebu Pacific, Air Philippines at Zest Air ang nakansela bunga ng masungit na panahon.
Naitala naman sa 2,278 pamilya o kabuuang 11,000 katao ang naapektuhan ng bagyong Ofel habang halos aabot sa 1,000 pamilya ang kinakanlong pa rin sa mga evacuation center.
Aabot naman sa P4.5 milyon ang pinsala sa agrikultura.
Samantala, tuluyan nang lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) si Ofel kahapon ng ala 1:31 ng hapon.
Ayon sa PAGASA, patungo na si Ofel sa bahagi ng Vietnam.
Bagamat wala na umano ang bagyo asahan pa rin ang paminsan minsang pag-uulan sa bansa laluna sa Metro Manila dahil sa epekto ng amihan.
Bago umalis ng bansa si Ofel ay umabot pa sa 85 kilometro bawat oras hanggang 100 kilometro bawat oras ang dala nitong hangin.
- Latest