Writ of kalikasan sa coastal project hingi
MANILA, Philippines - Tiwala si dating Solicitor General Frank Chavez na makakakuha sila ng writ of kalikasan sa Court of Appeals (CA) upang mapigilan ang proyekto sa Coastal Bay area.
Sinabi ni Chavez na tumatayong abogado ng environmental group na nang humarap bilang testigo si environmental law expert Atty. Ipat Luna sa pagdinig sa CA 3rd division ay nakapaghain sila ng mga ebidensya na magpapatunay na maraming nilabag na batas at patakaran ang proposed project sa coastal bay area.
Sa isinagawang pagdinig umano ay naging malinaw ang kanilang posisyon sa inihaing petisyon na may karapatan ang mga residente ng Las Piñas na magpasaklolo sa korte at humingi ng writ of kalikasan dahil isa sila sa mga maapektuhan sakaling maipatupad ang proyekto.
Bukod kay Luna ay anim pa umanong testigo ang kanilang ihaharap sa CA sa gagawing pagdinig sa Oktubre 17 at 19 kung saan mas malakas umano ang kanilang kaso laban sa contractor lalo at napatunayan din umano ito nang humarap bilang testigo si dating Las Piñas Rep. Cynthia Villar na ang nakalap na lagda na kumokontra sa coastal project ay pawang lehitimong lagda ng mga homeowners na siyang unang maaapektuhan sa proyekto.
Babawiin ng P14B reclamation project ang may 643 hektaryang lupain na sakop ng Parañaque, Las Pinas at Bacoor.
Nauna nang tinutulan ang nasabing proyekto dahil bukod sa wala umanong environmental permit ang contractor ay maapektuhan din ang kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar sakaling matuloy ito.
- Latest
- Trending