MANILA, Philippines - Napasok na umano ng mga iskwater ang malaking bahagi ng Libingan ng mga Bayani sa loob ng Fort Bonifacio.
Ayon kay Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, isang national shrine ang Libingan ng mga Bayani at hindi dapat tinatayuan ng mga bahay.
Sa kabila umano ng mga babala ng Philippine Army na siyang nagbabantay sa lugar, patuloy pa rin sa pagtatayo ng mga barung-barong at mga tindahan ang mga iskwater.
May pagkakataon pa na isang umookupa rito ang lakas loob na dumulog sa korte para ipaglaban ang loteng pinagtirikan niya ng bahay sa loob ng Libingan pero natalo sa kaso matapos walang maipakitang permit mula sa Army at Department of National Defense (DND).
Hinikayat ni Biazon ang DND at Army officials na ituloy ang pakikipag-usap sa mga illegal occupants para boluntaryo nilang bakantihin ang lugar sa halip na puwersahan pa silang paalisin.
Dapat ding pigilan ng Army ang pagpasok pa ng maraming informal settlers dahil kung hindi maaawat ang mga ito, magsisilbing isang malaking squatter community na ang Libingan.
Gusto rin alamin ni Biazon kung ilan na ba ang nakahimlay sa Libingan at ilan pa ang kaya nitong i-accomodate sa pangambang mapuno na ito ng mga iskwater.
Naitatag ang burial site noong May 1974 bilang Republic Memorial Cemetery. Si dating President Magsaysay ang nagpangalan dito ng Libingan ng mga Bayani noong Oct. 27, 1954.
Sa Libingan inihihimlay ang mga Medal of Valor awardees, mga pangulo ng Republika, AFP chief of staff, flag officers ng AFP, war veterans, government dignitaries, statesmen, national artists, defense secretaries, biyuda ng mga dating pangulo at mga libing na inaprubahan ng Pangulo o Kongreso.