CGMA nasa ICU ng Veterans

MANILA, Philippines - Inilipat sa intensive care unit (ICU) ng Ve­terans Memorial Medical Center (VMMC) si Pampanga Rep. Gloria Arroyo dahil sa umano’y sakit sa puso.

Ayon kay Dr. Mona Legaspi, director ng VMMC, dumanas ng dehydration si Arroyo dahilan para magkaroon ng kakulangan ng pagdaloy ng dugo sa puso nito.

Hindi naman anya ooperahan si Mrs. Arroyo bagkus ay bibigyan lamang ito ng gamot para sa kanyang karamdaman. Chest pain ang ilan sa sintomas ng sakit at maari umanong magdulot ng heart attack kapag napabayaan.

Inamin naman ni Legaspi na stress ang isang nakikitang ugat ng karamdaman ni Arroyo sa ngayon.

Noong October 4 naiulat na may dehydration si Mrs. Arroyo at nang maisailalim sa ECG ay napatunayan na mayroon daw itong sakit sa puso.

Nitong nakaraang linggo ay inisyuhan ng warrant of arrest ng Sandiganbayan si Arroyo kaugnay ng kasong paglustay ng pondo ng PCSO noong panahon ng kanyang administras­yon.

Show comments