40 kabataan pasok sa flesh trade
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nabulag na ng malaking halaga ng payola kada linggo ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan kaya nagpapatuloy ang operasyon ng flesh trade na ginagawang front ang lehitimong spa health massage club na nasa gilid ng Uniwide Coastal Mall sa Parañaque City. Ayon pa sa source, dinarayo ng mga dayuhang banyaga at negosyante mula sa malalayong lalawigan ang U2 Health Club kung saan aabot sa 40 kabataang babae mula sa ilang computer college na nagbibigay ng panandaliang aliw bilang extra job. Sinasabing paborito ng mga dayuhan ang tinatawag na double service kung saan dalawang kabataang babae ang nagbibigay ng extra service sa halagang P4,000 at P1,600 bilang bayad sa kuwarto. Napag-alaman din sa source na may lingguhang payola ang ilang tiwaling opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group, lokal na pulisya sa Parañaque City at maging ang ilang tauhan ng National Police Commission (Napolcom) at National Bureau of Investigation (NBI) na may kanya-kanyang kolektor. Nabatid din na may showroom ang nasabing health club kung saan nakaupo ang mga masahistang binigyan ng uniporme at alyas na pangalan na animoy ekspertong physical therapist pero ang tunay na gawain ay sinasabing nagbibigay ng panandaliang-aliw. Samantala, nanawagan naman ang ilang grupo ng kababaihan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan partikular na sa pamunuan ng Inter-Agency Council Against Trafficking ng Department of Justice at Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) ng National Bureau of Investigation (NBI) na gumawa ng hakbang para masugpo ang flesh trade na patuloy ang operasyon sa nabanggit na health club.
- Latest
- Trending