MANILA, Philippines - Mananatili sa Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang weekend ang bagyong Nina dahil sa mabagal nitong pagkilos.
Alas-11 ng umaga kahapon, ang sentro ni Nina ay namataan sa layong 860 kilometro silangan ng Cagayan taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin hanggang 150 kilometro bawat oras.
Si Nina ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 7 kilometro bawat oras.
Ngayong umaga, si Nina ay inaasahang nasa layong 750 kilometro ng silangan ng Calayan, Cagayan.
Bunsod nito, pinapayuhan ng PAGASA ang mga mangingisda na may maliliit na sasakyang pandagat na iwasan munang maglayag sa bahagi ng karagatan sa Northern at Eastern Luzon dahil sa inaasahang paglaki ng alon.