House handa na, P10-B tulay scam sisiyasatin

MANILA, Philippines - Handa na ang Kamara para busisiin ang umano’y multi-bilyong scam sa proyektong tulay ng gobyerno matapos mabuko na patuloy pa rin umanong nakakakuha ng mga malalaking kontrata, partikular sa “bridge program” ng gobyernong Aquino, ang isang dayuhang kontratista na una nang inirekomenda ng Commission on Audit (COA) na ilagay sa “blacklist”.

Nabatid sa mga impormante sa Kamara na nagpalit lang umano ng pangalan ang “Balfour Cleveland, UK Ltd,” at muling nakasali sa multi-bilyong ‘President Bridge Program’ sa ilalim ng National Road Bridge Replacement Program (NRBRP) ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Mas kilala bilang ‘Balfour Beatty’ nang unang magnegosyo sa Pilipinas at ginagamit na raw ngayon ng kumpanya ang pangalang ‘Cleveland Bridge UK, Ltd.,’ sa mga bagong transaksyon nito sa DPWH.

Sa audit report ng COA para sa mga proyektong tulay ng pamahalaang Arroyo mula 2001 hanggang 2007, tinukoy ang Balfour bilang isa sa mga “worst supplier/contractor” sa ginawang pagrepaso sa may 102 ‘foreign-assisted projects.’

Ayon sa COA, “nag-abono” ang gobyerno ng may P10 bilyon sa mga proyektong naibigay sa Balfour at sa Waagner-BIRO Stahlbau AG (Austria) sa ilalim ng Macapagal Arroyo administration dahil sa mga “project delays” na nagresulta sa multi-bilyong “cost overruns.”

Sa record pa ng COA, sa kontratang P2.4 bilyon na nakuha ng Balfour sa bandang huli ay nagbayad pa ng P5.431 bilyon ang pamahalaan sa kumpanya dahil sa “cost overrun” na umabot sa higit P3 bilyon o mahigit na 100 porsiyento ng orihinal na kontrata.

Nagbayad naman ng karagdagang 44 porsiyento mula sa P3.431 bilyon na orihinal na kontrata ang pamahalaan sa mga proyektong napunta sa Waagner.

Hinihinalang nagsa­sabwatan umano ang ilang personalidad at mga tiwaling kontraktor sa DPWH at “sinasadya” na patagalin ang mga proyekto upang magresulta sa cost overruns.

Show comments