Manoling Morato hawak na ng NBI
MANILA, Philippines - Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Manoling Morato, kapwa akusado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at walong iba pa sa kasong plunder sa Sandiganbayan kaugnay sa anomalya sa pondo ng PCSO.
Gayunman, hindi sa detention cell kundi hospital arrest dahil sa St. Luke’s Hospital sa Quezon City pinuntahan ng mga ahente ng NBI si Morato upang kunan ng mugshot at fingerprints.
Nabatid na nitong Biyernes ay tumawag ito sa NBI upang ipaalam na naka-confine siya kaugnay sa iniindang sakit sa dibdib. Iginiit niya na hindi siya nagtatago sa kaso.
Bago ang pagsuko, nakapaghain si Morato ng mosyon sa Sandiganbayan para mapawalangsaysay ang akusasyon laban sa kaniya at sa Lunes ay may isa pang mosyon ang kaniyang ihahain.
Magugunita na kamakailan, nagpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa mga akusado at nagtungo ang mga pulis sa bahay ni Morato upang isilbi ang warrant of arrest subalit hindi ito natagpuan.
Samantala, tiniyak ng NBI na hahabulin sa labas ng bansa ang tumakas na isa pang akusado na si dating PCSO director Jose Taruc.
Sinabi ni NBI Director Nonnatus Rojas na inatasan niya na ang kanilang Foreign Liaison Division para makipag-ugnayan sa International Criminal Police Organization o Interpol para makatuwang sa paghahanap at pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Taruc na umalis noong Hulyo 19, 2012, sakay ng Cathay Pacific flight.
- Latest
- Trending