MANILA, Philippines - Hindi pinayagan ng Department of Justice panel of prosecutors ang mosyon ng kampo ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona na mapagkalooban ng mahabang panahon para sa isusumiteng depensa laban sa kinakaharap na kasong tax evasion sa kagawaran.
Sa ikalawang pagdinig ng lupon, hindi rin lumantad sa DOJ ang dating punong mahistrado, anak na si Carla at manugang na si Constantino Castillo.
Tanging ang abogado ng mga Corona na si Atty. Anacleto Diaz ang dumalo na naghain ng entry of appearance with motion for extension of time to file counter-affidavit.
Hiniling ni Diaz sa panel na bigyan ng 30 araw ang dating Chief Justice para makapagsumite ng kontra salaysay habang 15 araw para sa mag-asawang Castillo.
Gayunman, 10 araw lamang o hanggang October 15, 2012, ang binigay na palugit ng panel sa mga Corona upang ihain ang kanilang counter affidavit.
Nagbabala rin ang panel na sakaling mabigo na namang humarap ang dating punong mahistrado at ang kanyang anak at manugang ay dedesisyunan na ng lupon ang tax evasion case alinsunod sa mga ebidensiyang inihain ng Bureau of Internal Revenue.