Solons na nagpasa ng Cyber law nakahanap ng kakampi
MANILA, Philippines - Nakakita ng kakampi ang mga mambabatas na nagpasa ng Cyber Crime Prevention Act of 2012.
Ito’y makaraang magpahayag ng suporta sa responsableng paggamit ng cyberspace ang grupong RISE o Responsible use of Internet for Social Empowerment.
Ayon sa grupo, mahalagang may ganitong uri ng batas ang ating bansa upang makamit ang cyber-justice at cyber-peace ng lahat ng mga tinatawag na cyberplayers.
Taliwas din sa pangamba ng mga kritiko, ipinaliwanag ni RISE president Alex Deita na hindi masisikil ang kalayaan ng mamamayan sa batas.
Ipinaliwanag ni Deita na lahat ng kalayaan ng isang indibidwal, bagama’t ginagarantiyahan ng saligang batas, ay hindi maituturing na absolute.
Isa anilang patunay dito ang mga nakaraang desisyon ng korte at ang article 9 ng International Covenant on Civil and Political Rights na nagsasaad na ang lahat ng karapatan at kalayaan ng mamamayan ay may kaakibat na responsibilidad.
Nangangamba rin ang grupo sa posibleng negatibong epekto sa mga kabataan sakaling magtagumpay ang mga kritiko na ibasura o amyendahan ang batas.
Kung mangyayari anila ito ay tiyak na pagdating ng panahon ay maging masama na ang ugali ng mga bata at abusuhin ang karapatan nila sa paggamit ng cyberspace gaya ng pag-access sa mga porn sites, mga cybersex at iba pang masasamang internet sites.
- Latest
- Trending