MANILA, Philippines - Dalawang dating opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sabit rin sa kasong plunder na kinasangkutan ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang sumuko sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Sr. Supt Keith Singian, Deputy Director for Operations ng PNP-CIDG ang mga nagsisuko na sina dating PCSO Board of Director Sergio Valencia at dating PCSO Assistant General Manager for Finance Benigno Aguas na sinamahan ng kanilang mga abogado.
Kasunod ito ng inilabas na warrant of arrest ng Sandiganbayan First Division laban kay Rep. Arroyo at siyam pang opisyal ng PCSO kaugnay ng umano’y illegal na paggasta ng P365 milyong intelligence funds ng ahensya sa panahon ng termino ng dating pangulo.
Nitong Huwebes isinilbi ang warrant of arrest kay Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) kung saan ito sumasailalim sa physical therapy matapos dumanas ng sobrang panghihina at dehydration.
Ang iba pang mga akusado ay sina PCSO General Manager at Vice Chairman Rosario Uriarte; dating board members Manuel Morato, Jose Taruc V, Raymundo Roquero, at Ma. Fatima A.S. Valdez; dating COA Chairman Reynaldo Villar at Nilda Palaras ng COA’s Intelligence Confidential Funds Fraud Audit Unit.
Pansamantalang idedetine sina Valencia at Aguas sa PNP Custodial Center.
Sa kaso naman ni Morato na nainterbyu sa television at sinabing hindi siya nagtatago sa batas at nagpapagamot lamang sa hospital dahil mayroon siyang karamdaman, sinabi ni PNP-CIDG-NCR Chief P/Sr. Supt Joel Coronel na dapat makipag-ugnayan ito sa mga awtoridad.
Sinabi ni Coronel na maari namang makapagpagamot si Morato at isailalim sa confinement kung kinakailangan sa PNP General Hospital sa Camp Crame.