Hitman ng 'tulak' sa Baseco, patay sa engkwentro
MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang 29-anyos na sinasabing kanang-kamay at ‘hitman’ umano ng isang tulak ng shabu sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang nasawi na si alyas “Gibson” na batay sa ipinakitang “Media Eye Expose” at “Crime Watch Manila” na identification cards ng kasamang babae, na misis umano nito, ay nagngangalan pa itong “Ogie Agid”, residente ng Block 9, Baseco Compound, tubong Sarangani at isang construction worker.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Julieto Malindog, dakong alas 4:00 ng hapon nang maganap ang engkwentro sa isang barung-barong, sa Purok 2 ng Isla Puting Bato.
Matagal na umanong isinailalim sa surveillance operation ng mga tauhan ni Supt. Ernesto Tendero, hepe ng Manila Police District-station 2, ang suspek matapos ang serye ng barilan sa lugar.
Ayon kay Supt. Tendero, isang tip ang nakarating sa kanila na na alyas Gibson ay nasa barung-barong na nagsisilbing drug den sa lugar, kaya nauna ang intelligence team ng Anti-Drugs Unit sa lugar bago sinalakay ang nasabing drug den at doon inabutan si Gibson na agad umanong nanlaban gamit ang kalibre .38 snub-nose na baril kaya siya pinutukan ng kaniyang tauhan gamit naman ang 9mm service firearm.
“Sa info na nakuha namin, hitman at collector itong si Gibson ni alyas “Kulet”. Si Kulet ang pumalit na drug trafficker sa Baseco at Isla Puting mula nang mapatay si alyas “Basit” na dating tulak doon sa lugar. Sa tuwing may hindi nakakapag-remit ng pera o gumagamit na hindi nagbabayad, si Gibson ang hitman, kaya maraming incident ng barilan at ilan na ang namatay dun,” ani Tendero.
- Latest
- Trending