PNP official pinakakasuhan ng Ombudsman, yaman pinalilimas
MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na sampahan ng limang counts ng perjury si P/CSupt Eugene Gabriel Martin at limasin ang ‘di nito maipaliwanag na yaman na umaabot sa P9 milyon dahil sa hindi pagsasabi ng kanyang mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Hindi umano naiha-yag ni Martin sa kanyang SALN noong 1999 ang kanyang residential lot sa Cagaling, Palina, Pugo, La Union at Cockpit Arena sa Cares, Pugo, La Union; hindi naisama sa kanyang SALN noong 2000 ang residential house and lot nito sa Sto. Tomas, Baguio City; isang residential house sa Bgy. Irisan, Quezon Hill, Baguio City at ang isang Mitsubishi L200 Strada na nakapangalan sa kanyang asawang si Priscilla Marrero Martin.
Hindi rin nito nailagay sa kanyang 2001 SALN ang isang Nissan Patrol M/T Wagon na nakapangalan kay Priscilla at anak na si Kurt Walter at sa kanyang 2002 SALN ang house and lot sa Bgy. Fairview, Baguio City at noong 2003 SALN nito ay hindi nailagay ang isang Cherokee Grand Jeep na nakapangalan kay Priscilla.
Binigyang diin ni Morales na dahil sa kabiguan ni Martin na ideklara ang kanyang mga yaman, hindi lamang siya nagkasala sa kasong perjury kundi lumabag din sa RA 6713 dahil sa pagkabigong magsumite ng kanyang SALN para sa taong 2004 hanggang 2005.
Mayroon din itong undeclared international travel expenses na may halagang P269,000.
Bunga nito, pinakukumpiska ni Ombudsman Morales sa Sandiganbayan ang mga tagong yaman ni Martin at buong pamilya nito kasama na ang mga ari-arian na nakapangalan sa asawang si Priscilla at mga anak na sina Kathleen Ira, Kurt Walter at Salma.
Anang Ombudsman, hindi kikitain ni Martin ang naturang mga ari-arian at luho ng pamilya mula lamang sa sahod nito sa PNP.
Sa rekord, si Martin ay may net worth na P929, 427 noong 2003 mula sa P2,583,000 networth noong 1999.
- Latest
- Trending