MANILA, Philippines -Hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang mga mag-aaral maging ang mga propesyunal na magpasalamat sa kanilang kasalukuyang mga guro at mga naging guro noong nasa paaralan pa kasabay ng pagdiriwang ng “World Teacher’s Day” sa darating na Oktubre 5.
Sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na nararapat naman na mabigyan ng tamang rekognisyon ang mga guro na siyang nagbibigay ng edukasyon sa taumbayan at naghuhubog sa mga Pilipino upang maging matinong mamamayan at propesyunal.
“Lahat tayo ay dating naging mga estudyante at lahat tayo ay nagkaroon ng kahit isang guro na naging dahilan ng pagbabago sa ating buhay at nakatulong sa paghubog kung ano tayo ngayon,” ayon kay Luistro.
Nakasentro ang selebrasyon ng 2012 World Teacher’s Day sa bansa sa Limketkai, Cagayan de Oro City. Napili ang lungsod upang ipakita ang kabayanihan ng mga guro sa lungsod habang nasa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Sendong.
Sa kabila ng pagtuligsa sa DepEd sa pag-arkila ng mga guro sa kindergarten ng “casual basis”, iginiit pa rin ni Luistro na patuloy nilang ginagawa ang lahat ng paraan upang maitaas ang sahod ng mga titser at maibigay ang mga benepisyo ng mga ito. (Danilo Garcia/Mer Layson)