MANILA, Philippines - Ipagkakatiwala ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang pinamamahalaan nitong lungsod sa kanyang panganay na anak na si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri matapos na magkasunod na maghain ang mga ito ng kanilang certificate of candidacy (COC) sa Commission on Election (Comelec) kahapon.
Si RJ na unang naghain ng kanyang COC kasama ang kanyang mga kapartido sa Liberal Party (LP) ay sinamahan din ng 3,000 kabataang botante na sumusuporta sa kandidatura nito para sa 2013 election.
Kabilang din sa line-up ng LP sina Tito Varela na tatakbong vice-mayor, mga konsehal na sina Marylou Nubla, Ferdinand Gundayao, Henry Camayo, Andres Mabagus, Atty. Bullet Prado, Dra. Susan Punzalan para sa unang distrito habang sa ikalawang distrito naman ay sina Chito Abel, Carol Cunanan, Tino Bagus, L.A. Asistio, Arnold Divina at Allen Aruelo.
Matapos naman ang paghahain ng mga ito ng kanilang kandidatura ay nagtungo sa Comelec main office sa Intramuros si Mayor Recom upang maghain ng kanyang kandidatura bilang kinatawan ng unang distrito kasama ang mahigit sa 100 kapitan ng barangay sa buong lungsod.
Samantala, nagpahayag ng suporta si dating 2nd District Congressman Baby Asistio sa kandidatura ni RJ Echiverri kasabay ng pagtitiyak nito na tutulungan niya ang nakababatang Echiverri sa election sa 2013.