MANILA, Philippines - Nagpatupad ng dagdag-bawas sa mga presyo ng petrolyo ang mga kumpanya ng langis umpisa kahapon ng madaling araw sa panibagong galawan ng krudo sa internasyunal na merkado.
Alas-6 ngayong Lunes ng umaga, magtataas ang Shell, Petron at Seaoil ng P.30 sentimos kada litro sa presyo ng premium at unleaded gasoline habang P.25 sentimos kada litro naman sa regular na gasolina.
Kasabay nito, tatapyasan naman ng naturang mga kumpanya ang presyo ng kanilang diesel ng P.30 sentimos kada litro at P.25 sentimos sa kerosene.
Ang panibagong galaw sa lokal na presyo ng petrolyo ay ibinabase pa rin umano nila sa presyuhan ng internasyunal na merkado. Inaasahan naman na susunod ang iba pang kumpanya ng langis partikular ang mga independent players.