MANILA, Philippines - Naghain na kahapon ng petisyon si Sen. Teofisto “TG” Guingona sa Supreme Court upang kuwestiyunin ang ilang probisyon sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon kay Guingona, maliwanag na panunupil sa karapatang magpahayag ang probisyon ng libel sa nasabing Cybercrime Law.
Nais ni Guingona na ipadeklarang unconstitutional ang probisyon tungkol sa online libel kung saan maaring makulong ng hanggang 12 taon ang mapapatawan ng parusa.
Masyado umanong malabo ang probisyon ng batas dahil maaari pa ring maihabla ang nag- “like” lamang sa isang comment sa mga social networking sites.
“Sinasabi ko masyadong malawak. Mag-like ka pwede kang ihabla, pag mag-share ka, pag pinasa-pasa pwede kang ihabla. Saka sinong liable? Hindi klaro eh. Yung original na nag post? Yung nag-share? Yung nag-tweet? Kahit nga magpose ka ng simpleng ‘hehehe’ diba? Ibig sabihin nun sang ayon ka. Are you liable? So napakalawak eh,” ani Guingona.
Nawala rin umano ang equal protection ng batas sa Cybercrime Law dahil mas mataas ang parusa sa online libel kaysa sa mga print media.
Puwede rin aniyang ma-prosecute ang isang akusado sa iisa lamang offense ang una ay sa Penal Code, sa criminal law at sa Cybercrime Law.
Itinanggi naman ni Guingona na kumpirmahin kung si Senate Majority Leader Tito Sotto ang nagsingit ng probisyong libel sa nasabing batas bagaman at naka-record ito sa journal ng Senado.